| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2005-07-03 12:18:00 |
EMPERADOR AT EMPERATRIS, NAGBIGAY-GALANG SA MGA BIKTIMA NG GIYERA SA SAIPAN
Umalis ng Japan si Emperor Akihito at Empress Michiko noong Hunyo 27 patungong Saipan para sa kanilang kauna-unahang biyahe sa ibang bansa na nakalaan para sa pakikidalamhati sa mga biktima ng World War II.
Ito ay sa gitna ng mga kamakailang hidwaan sa pagitan ng Japan at mga kalapit-bansa nito sa Asya ukol sa pagkilala ng Japan sa mga isyung kaugnay ng giyera.
Ang kanilang 2 araw na pagbisita sa West Pacific island ay isinagawa 60 taon matapos ang pagtatapos ng giyera.
Nag-alay ng isang bouquet ng white chrysanthemums ang Imperial couple sa Monument of the War Dead na itinayo ng pamahalaan ng Japan noong Marso 1974.
Tumungo sila pagkatapos sa Suicide Cliff at Banzai Cliff kung saan nag-alay sila ng kanilang taimtim na panalangin.
Mula sa nasabing dalawang bangin, marami umanong mga Hapon at sibilyan ang tumalon at nagpakamatay kaysa sumuko sa mga hukbo ng Estados Unidos.
Bagamat hindi kabilang sa kanilang public schedule, bumisita rin ang Imperial couple sa mga Tower of Okinawa at Korean Peace Memorial upang magbigay-galang sa mga taga-Korea at Okinawa na namatay sa giyera.
Pinamahalaan ng Japan ang isla ng higit sa 20 taon sa ilalim ng isang kautusan ng League of Nations hanggang sa pinalitan ito ng Estados Unidos matapos ang paglalaban noong 1944, na tumagal mula Hunyo 15 hanggang Hulyo 9.