| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2005-04-16 09:02:00 |
KASO SA NASYONALIDAD NG BATANG PILIPINO, PINANIGAN NG KORTE
Hinatulan ng Tokyo District Court noong Abril na labag sa Konstitusyon ang pagkakait ng pamahalaan ng Japanese nationality sa isang 7 taong gulang na batang lalaki na anak ng isang Hapon at isang Pilipino dahil lamang hindi kasal ang mga magulang nito bagamat kinilala na ito ng kanyang amang Hapon.
Ayon kay presiding Judge Toshihiko Tsuruoka, ang probisyon ng Nationality Law-- na nagsasabing ang anak ng isang lalaking Hapon sa isang dayuhang babae ay pagkakalooban lamang ng Japanese nationality kapag kasal ang mga magulang nito-- ay isang paglabag sa Konstitusyon na nagbibigay ng pagkakapantay-pantay sa lahat.
Ayon sa mga abugado ng maysakdal, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdesisyon ang korte na nilalabag ng nasabing batas ang Konstitusyon.
Ayon sa batas, ang anak ng isang lalaking Hapon at isang dayuhang babaeng hindi ikinasal ay pagkakalooban lamang ng Japanese nationality kung kinilala ito ng kanyang ama habang nasa sinapupunan pa ng ina, at hindi matapos ipanganak.
Samantala, kung ang bata ay anak ng isang babaeng Hapon at isang dayuhang lalaki, agad itong binibigyan ng Japanese nationality.
Sa nabanggit na kaso, ang ama ng bata ay kasal na sa iba nang makilala nito ang ina ng bata noong 1997. Nagsumite ng opisyal na papeles ng pagkilala sa bata ang ama noong 1999. Nang pagkaitan ng pamahalaan ng Japanese nationality ang bata noong 2003, nagsampa ng kaso ang ina nito laban sa pamahalaan.
Samantala, isang class action lawsuit ang isinampa noong Abril 12 sa district court sa ngalan ng 9 na batang Pilipino na ipinanganak sa Japan sa Hapong ama at Pilipinang ina at nagnanais mabigyan ng Japanese nationality.