| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2005-03-06 15:16:00 |
MATAGUMPAY NA PAGLULUNSAD NG H-IIA ROCKET NG JAPAN
Naging matagumpay ang paglulunsad ng pangpitong H-IIA rocket ng Japan noong Pebrero 26 mula sa Tanegashima Space Center sa Kagoshima Prefecture.
May taas na 53-metro at may nakasulat na "Nippon" sa gilid, lumipad ang rocket patungong kalawakan bago lumubog ang araw noong ika-26.
45 minuto matapos ang paglulunsad, matagumpay na nailagay ng rocket ang isang multipurpose weather and navigation satellite sa orbit.
Sinabi ni Tsukasa Mito, isang executive director sa Japan Aerospace Exploration Agency, sa isang news conference na humiwalay ang satellite mula sa rocket at ngayon ay nasa initial orbit na.
Nakatakdang magsimulang umandar ang satellite sa Mayo.
Ang paglulunsad sa rocket ay nahuli ng 75 minuto sanhi ng sinabi ng mga opisyal na problema sa komunikasyon sa pagitan ng rocket at ng mga flight controllers.
Ang Multifunctional Transport Satellite 1 Replacement ay papalit sa luma nang Himawari 5 weather observation satellite na hindi na gumagana.
Sasaklawan nito ang weather observation at air traffic control sa malawak na bahagi ng Asya at Pasipiko.
Mula noong Mayo 2003, umaasa ang Japan sa U.S. satellite GOES-9 para makakuha ng visual images para sa weather forecasts.
Sa bagong satellite, inaasahang tataas ang accuracy ng mga weather predictions.
Umasa ang space agency sa isang matagumpay na paglulunsad upang makatulong sa panunumbalik ng reputasyon ng H-IIA, na nagsisilbing sentro ng space program ng bansa, at upang maipakita na ang Japan ay nananatiling malakas na kalaban sa umiinit na kumpetisyon nito sa China.
Isinantabi muna ang lahat ng paglulunsad ng H-IIA rockets matapos ang nabigong paglulunsad noong Nobyembre 2003.
Mula noon, binago ng ahensya ang booster ng rocket matapos matagpuang isang butas sa isang nozzle ang naging sanhi ng pagkabigo.
Bilang resulta, ang gastusin para sa pangpitong H-IIA rocket na inilunsad noong ika-26 ay umabot sa 12 bilyon yen.
Ang kabuuang production cost kabilang ang satellite ay umabot sa 28.3 bilyon yen.