| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2005-02-18 07:14:00 |
86% SANG-AYON SA BABAENG EMPERADOR
Sa isang survey na ipinalabas ng Asahi Shimbun noong Pebrero 1, 86% ng mga sumagot sa survey ang nagsabing panahon na para baguhin ang Imperial House Law upang makahalili ang mga kababaihan sa Chrysanthemum Throne .
Ang nabanggit na bilang ay mataas ng 3 percentage points mula sa isang survey na isinagawa matapos kaagad maipanganak si Princess Aiko, ang nag-iisang anak na babae ni Crown Prince Naruhito, noong Disyembre 2001.
Ang mga kasagutang ito ay nakuha matapos bumuo ni Prime Minister Junichiro Koizumi ng isang advisory council noong Enero 25 upang talakayin ang posibleng legal na pagbabago sa kasalukuyang batas at suriin ang opinyon ng publiko.
Ang nasabing survey ay isinagawa sa telepono at halos 3,500 eligible voters ang pinili nang walang basehan.
Sa mga ito, 1,837 o 53% ang nagbigay ng valid na mga sagot.
Bagamat halos walang kaibahan sa mga sagot ng mga kababaihan at kalalakihan, ang bilang ng pagsang-ayon sa pagkakaroon ng babaeng emperador ay mababa sa mga matatanda.
Tinanong rin sa nasabing survey na kung papayagan ang isang babaeng emperador, sino ang mauuna sa linya para sa trono, ang unang anak kahit ano pa ang kasarian nito o ang unang anak na lalaki.
47% ang sumuporta sa unang anak kahit ano pa ang kasarian, samantalang 41% ang nagsabing unang anak na lalaki.