| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2004-11-13 23:22:00 |
MAS MALUWAG NA PATAKARAN PARA SA MGA SUSUKONG ILEGAL NA DAYUHAN
Mula Disyembre 2, ang mga illegal overstayers sa Japan na kusang susuko sa mga opisyal ng immigration bureau ay tatanggap ng higit na maluwag na patakaran.
Ang mga visa overstayers na makakatugon sa ilang mga kundisyon at susuko sa mga regional immigration offices o liaison offices ay hindi makukulong.
Bagamat ang mga ito ay haharap sa deportasyon matapos makumpleto ang ilang madaling proseso, malamang na papayagan ang mga ito na makabalik sa Japan matapos ang isang taon.
Sinabi ng mga opisyal ng immigration na ang sistemang ito ay higit sa isang amnestiya sapagkat ito ay mananatili.
Ang mga pagbabagong ito ay kabilang sa pagbabago noong Mayo ng Immigration Control and Refugee Recognition Law.
Bagamat hindi pa naipapatupad ang mga bagong batas, ang mga awtoridad ng immigration ay nag-umpisa na sa pagproseso ng mga overstayers na kusang sumuko at nagbigay ng kanilang mga pasaporte at alien registration cards.
Nais ng mga opisyal na makaiwas sa backlog dahil inaasahan ng mga ito na ang bagong sistema ay maghihimok sa maraming bilang ng mga overstayers na sumuko sa Disyembre.
Paglaon, umaasa ang mga opisyal na ang mga pagbabago ay magbubunga sa kabuuang pagkabawas sa bilang ng mga dayuhang nabigong umalis ng bansa kahit na natapos na ang kanilang mga visa.
Sa ilalim ng lumang sistema, ang mga overstayers ay kaagad na ipinapadala sa mga detention centers kung saan sila iniimbestigahan.
Sa karamihan ng kaso, ang mga dayuhang wala nang visa ay idine-deport. Pinagbabawalan rin ang mga ito na pumasok muli ng Japan sa loob ng 5 taon.
Ang mga bagong batas ay para lamang sa mga overstayers na makakapagpakita na wala silang dating record ng deportasyon, walang record na nabigyan ng hatol na pagkakakulong, at walang ibang dahilan upang ma-deport.