| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2004-10-02 05:56:00 |
NORTH KOREA, NAGHAHANDANG MAGLUNSAD NG BALLISTIC MISSILES
Napag-alaman noong Setyembre 23 na ipinapahiwatig ng mga impormasyong pang-militar na nakalap ng Japan at Estados Unidos na naghahanda ang North Korea sa paglulunsad ng isang Rodong o Taepodong ballistic missile o magsagawa ng isang missile engine combustion test.
Ang impormasyon, mula halos sa radyo at U.S. reconnaissance satellites noong mga kalagitnaan ng Setyembre, ay nag-udyok sa pamahalaan ng Japan na magtayo ng isang espesyal na opisina sa Prime Minister's Office at magpadala ng aircraft, isang Aegis-equipped destroyer at iba pang vessels sa Sea of Japan upang kumalap pa ng impormasyon.
Noong umaga ng Setyembre 23, itinalaga ng pamahalaan sina Deputy Chief Cabinet Secretary Seiken Sugiura, Deputy Chief Cabinet Secretary for Crisis Management Takeshi Noda at mga nakatataas na mga opisyal sa mga kaugnay na ahensya at ministro sa pagkalap at pagsusuri sa mga impormasyon sa naturang opisina.
Sinuri umano ng mga pamahalaan ng Japan at Estados Unidos ang mga impormasyong pang-militar at mga litrato at natuklasan ang mga gawain gaya ng mga behikulo at mga tropa na nagtitipon-tipon sa isang missile base sa hilagang-silangang bahagi ng North Korea.
Sinabi ng mga ito na regular na nagsasagawa ang North Korea ng mga engine-combustion tests, kabilang ang 2 natuklasan noong Abril ngayong taon.
Ngunit ang maraming bilang ng mga behikulo at tropa kaysa mga nakaraang tests ay nag-udok sa Japan at Estados Unidos na itaas ang alert at monitoring level sa isang posibleng paglulunsad ng missile.
Subalit sinabi naman ni Prime Minister Junichiro Koizumi na hindi malamang na maglunsad ng isang ballistic missile ang North Korea at sinabi niyang maliit ang posibilidad nito.
Ang isang Rodong missile ay may abot na hanggang 1,300 hanggang 1,500 kilometers at maaaring tumama ito halos kahit saan sa Japan. Ang Taepodong ay may mas malayong abot na nasa pagitan ng 3,500 at 6,000 kilometers.
Nangako ang North Korea na ipagpapatuloy nito ang moratorium nito sa pagsususpinde ng paglulunsad ng missiles matapos ang 2003 sa Pyongyang Declaration na pinirmahan nina Prime Minister Koizumi at North Korean leader Kim Jong Il noong Setyembre 2002.