| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2004-09-04 15:06:00 |
BULKANG MT. ASAMA (Japan), SUMABOG!
Ayon sa Japan Meteorological Agency, sumabog ang Mount Asama ng mga alas 8 ng gabi noong Setyembre 1 makalipas ang mahigit sa 1 taon.
Ang bulkan na may taas na 2,568 metro ay pumapalibot sa bayan ng Karuizawa sa Nagano Prefecture at Tsumagoi village sa Gunma Prefecture.
Ang bulkan ay huling sumabog noong Abril 18, 2003.
Sinabi ng ahensya na ang activity level ng naturang bulkan ay nasa 2 noong nakaraang buwan at itinaas ito sa 3 matapos ang pagsabog.
Nagpakita na ng mga senyales ng pagsabog ang bulkan mula noong Hunyo 2002 at nagkaroon ng paulit-ulit na mahihinang pagsabog sa pagitan ng Pebrero at Abril noong nakaraang taon.
Ang makapal na ulap ay pumigil sa mga opisyal ng ahensya na masukat ang lawak ng pagsabog, ngunit sinabi nito pagkatapos na hindi naman ito grabe.
Nagkalat ang mga bato at abo sa malawak na lugar, lalo na sa itaas na parte ng bulkan.
Ang mga residenteng nakatira sa palibot na lugar ay hinimok na manatiling nakahanda.
Subalit, sinabi ng mga opisyal na mayroon lamang kaunting posibilidad na sumabog muli ang bulkan sa nalalapit na panahon.
Walang naiulat na nasugatan sa nasabing pagsabog.