| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2004-08-14 08:35:00 |
PINAKAMAHABANG PANAHON NG TAG-INIT SA TOKYO
Naitala noong Agosto 12 ang pinakamahabang panahon ng tag-init sa central Tokyo dahil sa 38 sunod-sunod na araw na hindi bumaba sa 30 degrees celsius ang temperatura.
Ayon sa Tokyo Meteorological Agency, unang pagkakataong nakapagtala ng ganito ang ahensiya simula nang mag-umpisa itong maglikom ng data noong 1923.
Ang mga araw kung saan ang temperatura ay nasa 30 degrees pataas ay tinatawag na manatsubi o midsummer days.
Ang dating record na 37 sunod-sunod na midsummer days ay naitala noong Hulyo 23 hanggang Agosto 28 noong 1995. Ngayong taon, nagsimula ang heat wave noong Hulyo 6, bago pa man natapos ang panahon ng tag-ulan.
Sinabi ng Tokyo Fire Department na may record na 628 katao ang ipinasok sa ospital sanhi ng heat stroke sa Tokyo noong Hulyo.
Ayon sa mga opisyal, ang maiinit na araw ay sanhi ng di pangkaraniwang mataas na atmospheric pressure sa Pacific coast at di pangkaraniwang mababang insidente ng mga nagpapalamig na bagyo sa Tokyo.
Subalit, ang isang cold front na inaasahan ngayong weekend ay malamang na makaputol sa pagpapatuloy ng heat wave.
Noong Agosto 12, ang pinakamahabang midsummer days sa mga pangunahing isla sa Japan ngayong taon ay 46 araw sa Kumamoto sa rehiyon ng Kyushu.