| Balitang Tagalog sa Japan ( @ 2006-03-04 07:09:00 |
Pinipilit ng Japan ang Iraq na kumpirmahin ang isang ulat na naaresto na ng pulisya ang pinaghihinalaang teroristang sangkot sa pandurukot at pamumugot ng ulo ng isang Japanese backpacker sa Baghdad noong 2004.
Sinabi ng Iraqi Ministry of Internal Affairs sa pamahalaan ng Japan na iniimbestigahan nito ang pagiging totoo ng ulat ng isang lokal na istasyon ng telebisyon noong Pebrero 22 na isang suspek ang naaresto sa pagkakapatay sa 24 na taong gulang na Hapon na si Shosei Koda.
Ayon sa Japanese Embassy sa Baghdad, sinabi ng internal ministry ng Iraq sa isang hindi opisyal na pahayag na nahuli na ang suspek.
Batay sa mga ulat, ang suspek na si Hussein Fahmi, 26 na taong gulang, ay naaresto sa Baghdad noong unang bahagi ng Pebrero.
Siya ay iniuugnay sa ilang terrorist attacks, kabilang ang pagpatay kay Koda.
Siya rin ay miyembro ng militanteng grupong kaanib sa Jordanian terrorist na si Abu Musab al-Zarqawi.
Si Koda ay naglalakbay mag-isa sa Baghdad noong Oktubre 2004 nang siya ay madukot.
Isang video ang inilabas kung saan nakatakip ang ulo ng mga bumihag kay Koda at nanakot na papatayin siya kung hindi aalisin ng Japan ang kanilang tropa sa Iraq.
Kalaunan, natagpuan ang pugot na katawan ni Koda sa isang kalye ng Baghdad.